Petsa ng Paglabas: 09/08/2022
WASHINGTON – Ang Department of Homeland Security (DHS o Kagawaran ng Pambansang Seguridad) ng Estados Unidos ay naglabas ng pinal na tuntunin, na ilalathala sa Federal Register (Pederal na Rehistro) na nagbibigay ng paglilinaw para sa mga noncitizens (dayuhan) kung paano ipapatupad ng DHS ang tuntunin ukol sa public charge (dayuhan na umaasa sa pampublikong benepisyo) bilang batayan ng inadmissibility (hindi pagtanggap). Ibinabalik ng tuntuning ito ang makasaysayang pag-unawa sa kahulugan ng isang “public charge,” na ipinatupad na nang ilang dekada, hanggang ang nakaraang Administrayon ay nagsimulang ibilang sa pagpapasya sa inadmissibility bilang public charge ang mga karagdagang benepisyo sa pampublikong kalusugan tulad ng Medicaid at tulong sa nutrisyon. Ang tuntunin na inanunsyo ngayon ay sang-ayon sa pangako ng Administrasyon ni Pangulong Biden na ibalik ang tiwala sa ating sistema ng legal na imigrasyon.
“Ang aksyon na ito ay nagsisigurado ng patas at makataong pagturing sa mga legal na imigrante at kanilang kapamilya na mamamayan ng Estados Unidos,” sabi ng Kalihim ng Homeland Security na si Alejandro N. Mayorkas. “Sang-ayon sa mga halaga at prinsipyo na pundasyon ng Amerika, hindi namin parurusahan ang mga indibidwal sa pagpili na makakuha ng benepisyo sa kalusugan at karagdagang serbisyo ng gobyerno na maaari nilang makuha.”
“Bilang pagpapanatili sa mga halaga at prinsipyo ng ating bansa, ang patakaran na ito ay itinuturing ang lahat ng aming pinagsisilbihan nang patas at may paggalang,” ani Ur M. Jaddou, Direktor ng U.S. Citizenship and Immigration Services (Serbisyong Pangmamamayan at Pang-imigrasyon ng Estados Unidos). “Kahit na marami pang dapat gawin upang malampasan ang pagkalito at takot, patuloy kaming magtatrabaho upang alisin ang mga hadlang sa sistema ng imigrasyon, ibalik ang tiwala ng ating mga komunidad ng mga imigrante, at alisin ang mga labis na pahirap sa proseso ng aplikasyon.”
Ang Seksyon 212(a)(4) ng Immigration and Nationality Act (INA o Batas ng Imigrasyon at Nasyonalidad) ay itinuturing ang isang hindi mamamayan na inadmissible (hindi katanggap-tanggap) kung “magkataon na maaaring sila ay maging isang public charge.”
Ang isang dayuhan na maaaring maging isang “public charge,” na nangangahulugang sila ay maaaring umasa nang labis sa pamahalaan para mabuhay, ay maaaring hindi tanggapin o tanggihan na maging lehitimong permanenteng residente (karaniwang kilala bilang isang green card holder). Bago ang 2019, halos lahat ng mga non-cash na benepisyo (benepisyong hindi pera) mula sa gobyerno tulad ng Medicaid o tulong sa nutrisyon ay hindi kasama sa batayan. Ang tuntunin ng 2019, na ngayon ay wala nang bisa at hindi na ipinapatupad, ay nagresulta sa pagbaba ng pagpapatala sa mga nasabing programa ng mga indibidwal na hindi nakapailalim sa inadmissibility na batayan ng pagiging public charge, tulad ng mga batang mamamayan ng Estados Unidos na nakatira sa mga tahanan na magkahalo ang estado ng sambahayan. Ang paglalathala nitong bagong tuntunin ngayon sa Pederal na Rehistro ay tumutulong na maiwasan ang mga resultang ito sa pamamagitan ng pormal na pag-codify (gawing sistematiko) ang tunay na kahulugan ng termino.
Sa ilalim ng tuntuning ito, gaya ng pagka-ilalim sa 1999 Interim Field Guidance (1999 pansamantalang patnubay sa praktikal na pamamaraan) na ipinatupad sa nakaraang dalawang dekada, ang isang dayuhan ay maaaring ituring na maging isang public charge kung ipinasiya ng DHS na sila ay maaaring umasa nang labis sa gobyerno para mabuhay. Ang pagturing na ito ay nakabatay sa:
- “Edad; kalusugan; estado ng pamilya; pag-aari, yaman, at pinansiyal na estado; at edukasyon at kaalaman” ng dayuhan, ayon sa pangangailangan ng INA;
- Ang pagsumite ng dayuhan ng Form I-864, Katibayan ng Suporta sa Ilalim ng Seksyon 213A ng INA, na isinumite sa ngalan ng dayuhan kapag kailangan; at
- Ang nakaraan at kasalukuyang pagtanggap ng dayuhan ng Supplemental Security Income (SSI o Pandagdag na Kitang Pangseguridad); cash assistance (tulong pinansyal) para sa pagpapanatili ng kita sa ilalim ng Temporary Assistance for Needy Families (TANF o Pansamantalang Tulong para sa mga Pamilyang Nangangailangan); Pang-Estado, Pangtribo, Pangteritorya, o Panlokal na programang benepisyo sa pera para sa pagpapanatili ng kita (madalas na tinatawag na “General Assistance” o “Pangkalahatang Tulong”); o mga pangmatagalang pagpasok sa mga institusyon na sagot ng pamahalaan.
Hindi isasaalang-alang ng DHS sa pagpapasiya ukol sa public charge ang pagtanggap ng benepisyo ng kapamilya maliban sa mismong aplikante. Hindi rin isasaalang-alang ng DHS ang pagtanggap ng ilang partikular na non-cash na benepisyo kung saan maaaring maging karapat-dapat ang mga dayuhan. Kabilang sa mga benepisyong ito ay: Supplemental Nutrition Assistance Program (SNAP o Programang Pantulong sa Pandagdag na Nutrisyon) o iba pang programa sa nutrisyon, Children’s Health Insurance Program (CHIP o Programang Panseguro sa Kalusugan ng Kabataan), Medicaid (bukod sa pang-matagalang pagpasok sa mga institusuon), benepisyo sa pabahay, anumang benepisyo na kaugnay sa pagpapabakuna o pagsusuri sa nakakahawang sakit, o iba pang karagdagan o espesyal na layunin na benepisyo.
Ang DHS ay magbubuo ng mas mabuting Manwal ng Patakaran upang makatulong sa mga opisyal ng USCIS na ipatupad itong regulasyon nang patas at hindi nagbabago at upang mas maipaalam sa publiko kung paano ipapatupad ang tuntunin. Ang DHS ay magsasagawa rin ng pakikipag-ugnayan sa publiko upang mabawasan ang panganib na magkalituhan o iba pang negatibong epekto sa mga kapwa dayuhan at mamamayan ng Estados Unidos.
Ang pinal na tuntunin ay magiging epektibo sa Disyembre 23, 2022, at ilalathala sa Pederal na Rehistro sa Setyembre 9, 2022. Ang DHS ay kasalukuyang nagsusuri tungkol sa public charge alinsunod sa batas at sa 1999 Interim Field Guidance at magpapatuloy ito hanggang ipatupad ng DHS ang panghuling tuntunin sa mga aplikasyon na may tatak-koreo sa o pagkatapos ng petsa ng pagkakaroon ng bisa.
Ang anunsiyo ngayong araw ay isa sa mga serye ng aksyon na ginagawa ng Administrasyon na ito upang mas mabuting balansehin ang misyon ng DHS at masiguro ang isang patas at epektibong pamamahala ng sistema ng imigrasyon ng ating bansa.